MANILA, Philippines – Mahigit dalawang milyong Filipino, o mahigit 550,000 pamilya ang apektado o inilikas sa sunod-sunod na bagyong Mirasol, Nando, at Opong, kasama pa ang southwest monsoon o Habagat, ayon sa Office of Civil Defense.
Sa panayam ng DZMM, sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo na kasalukuyan pa nilang pinagsasama-sama ang mga report ng nasawi at napinsala dulot ng mga bagyo.
Aniya, karamihan sa mga residente na pinaka-apektado ay dahil sa Super Typhoon Nando na mula sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region at Calabarzon regions,
“Dito naman sa Opong ay itong Mimaropa, Region 5, and Negros Island Region.”
Iginiit ni Castillo na nahihirapan ang mga lokal na pamahalaan at regional offices na tukuyin ang aktwal na epekto ng bawat bagyo dahil ito ay magkakasunod na dumarating.
“[K]unwari nag-preventive evacuation ‘yung area, e tuloy-tuloy, hindi na pinabalik dahil kasunod no’n ang susunod na bagyo,” paliwanag pa ng opisyal.
Aniya, ang pinagsanib na pinsala mula sa mga bagyo at Habagat ay umabot sa P822 milyon sa imprastruktura at P964 milyon sa agrikultura.
“This is a running number,” sinabi pa nito. RNT/JGC