MANILA, Philippines – Umabot na sa mahigit 3.1 milyon aplikasyon ang naproseso ng Commission on Elections (Comelec), limang buwan matapos ipagpatuloy ang voter registration period para sa Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE) ngayong taon.
Sa huling datos ng Comelec, ang kabuuang 3,137,948 applications ay naiproseso hanggang noong Marso 14.
May pinakamaraming aplikasyon ang mga babae na nasa 1,633,469 habang 1,504,479 naman ang mga lalaki.
Ayon sa Comelec, nakatanggap ito ng 135,755 reactivation application mula sa regular na botante habang 816,138 ang nag-apply bilang bagong botante na 18 taong gulang at pataas.
Para sa SK polls, kabuuang 899,860 Filipino, nasa edad 15 hanggang 17 taong gulang ang nag-a-apply bilang youth voters.
Sa kabilang banda, ang rehiyon na may pinakamataas na bilang ng mga natanggap na aplikasyon ay ang Region 4-A (Calabarzon) na may 537,847, sinundan ng Region 3 (Central Luzon) na may 360,564 at National Capital Region (NCR) na may 322,054.
Mayroong apat na rehiyon na wala pang 100,000 na mga aplikasyon ang natanggap katulad ng: Rehiyon 4-B (Mimaropa) na may 98,189; Caraga, 97,196; Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may 71,476 at Cordillera Administrative Region na may 42,714.
Ang panahon ng pagpaparehistro ng botante ay ipinagpatuloy noong Oktubre 20, 2025 at tatakbo hanggang Mayo 18, 2026.
Nakatakda ang BSKE sa Nobyembre 2 ngayong taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden