Home NATIONWIDE 3.3M Pinoy nagparehistro sa eleksyon

3.3M Pinoy nagparehistro sa eleksyon

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na nakatanggap sila ng 3,368,999 na aplikante para sa voter registration mula nang magsimula ang voter sign-up activities noong Pebrero.

Batay sa pinakahuling datos, sinabi ng Comelec na ang bilang ay binubuo ng 1,734,890 babae at 1,634,109 lalaki.

Ang rehiyon na may pinakamaraming bilang ng mga aplikante ay ang Calabarzon na may 592,683 (306,882 babae at 285,801 lalaki) na sinundan ng National Capital Region na may 481,819 (260,900 babae at 220,919 lalaki).

Ang pinakamababang bilang ng mga aplikante ay naitala sa Cordillera Administrative Region na may 43,548 (22,994 na babae at 20,554 na lalaki).

Gayunman, sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia, na ang bilang ng mga bagong botante ay nalampasan ng halos 5 milyong deactivated na botante.

Noong Lunes, binanggit ng Comelec na 4,903,415 ang mga rehistradong botante na ang mga rekord ay na-deactivate matapos ang 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Karamihan sa mga na-deactivate na botante na may bilang na 4,898,744 ay ang mga nabigong bumoto sa dalawang magkasunod na naunang regular na botohan.

Hinimok ni Garcia ang mahigit 4.8 milyong deactivated na botante na muling buhayin ang kanilang mga talaan.

Ang mga aktibidad sa pagpaparehistro ng botante ay tatakbo hanggang Setyembre 30. RNT