MANILA, Philippines- Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na makapasok sa bansa ang tatlong American national na pedopilya na unang nahatulan ng sex crimes sa US.
Sinabi ni Immigration Commissioner NormanTansingco, dalawa sa kanila ay hindi pinapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang ang isa ay nabuking sa airport sa Mactan Cebu.
“They were all boarded on the next available flight to their port of origin. The Philippines is off limits to these foreign sex predators,” ayon kay Tansingco.
Paliwanag ni Tansingco na ang isang dayuhan na isang sex offender ay outright exclusion sa ilalim ng Philippine immigration act dahil maituturing itong krimen sa ilalim ng moral turpitude.
Si James Nicholas Ibach, 36, ang kauna-unahang pinabalik nang dumating ito sa Mactan airport sakay ng Starlux Airlines biyahe galing sa Taipei.
Si Ibach ay nahatulan noong 2019 dahil sa possession and control of obscene photographs depicting a minor in sexual conduct.
Pinigil din ang pasaherong si Eusebio Garcia Gallegos, 78, sa NAIA terminal 3 paglapag nito sakay ng isang United Airlines flight mula Guam.
Si Gallegos ay nahatulan sa korte sa Texas dahil sa indecent acts and contact with a child.
Pinigil naman si Clifton Lee Vaughan, 59, sa NAIA Terminal 1 paglapag nito sakay ng Eva Air flight mula Taipei.
Nahatulan din si Vaughan sa korte sa Missouri court dahil sa pang-aabuso sa isang 10 taong gulang na babae.
Ang tatlo ay inilagay sa blacklist at pinagbabawalang makapasok sa bansa. JAY Reyes