ILOCOS SUR — Patay ang isang tatlong taong gulang na batang lalaki matapos matagpuang may saksak sa dibdib sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Lacong, Tagudin, Ilocos Sur, habang pinaghahanap ng pulisya ang kanyang 29-anyos na ama.
Nangyari ang insidente noong Biyernes, Agosto 28, ayon sa Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO).
Batay sa paunang imbestigasyon, narinig umano ng lola at tiyahin ng bata dakong ala-1 ng madaling araw na pinagsasabihan ng ama ang umiiyak na bata sa loob ng kanilang kuwarto.
Dakong alas-11 ng umaga, nagtaka ang lola nang hindi pa lumalabas ng kuwarto ang kanyang apo. Nang puntahan niya ito, natagpuan niya ang bata na nakabalot sa kumot at may tama ng saksak sa dibdib.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival. Wala na rin sa bahay ang ama nang madiskubre ang bata.
Inatasan na ng ISPPO ang Tagudin Municipal Police Station na tugisin ang lahat ng posibleng lead, mangalap ng ebidensya at hanapin ang ama habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa tunay na pangyayari at motibo sa krimen.
Kinondena rin ng ISPPO ang pagpatay sa bata at tiniyak na isasagawa ang imbestigasyon alinsunod sa due process at rule of law.
Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na agad magbigay ng impormasyon na makatutulong sa paghahanap sa ama at paglutas sa kaso. Mary Anne Sapico