Home HOME BANNER STORY Alyansang kontra Pax Silica, inilunsad

Alyansang kontra Pax Silica, inilunsad

1
0

MANILA, Philippines — Naglunsad ang mga grupo mula sa iba’t ibang sektor ng alyansang Network Opposed to Pax Silica (NO to Pax Silica) upang tutulan ang pagpapatupad ng US-led initiative dahil sa pangamba sa posibleng epekto nito sa mga katutubo, kalikasan at soberanya ng bansa.

Kabilang sa alyansa ang mga grupo mula sa civil society, religious sector, mga siyentista, magsasaka, estudyante at environmental advocates.

Ang Pilipinas ay sumali sa Pax Silica noong Abril 16. Bahagi ng inisyatiba ang planong humigit-kumulang 1,600-ektaryang Economic Security Zone sa New Clark City sa Tarlac na nakatuon sa advanced manufacturing at pagpapatatag ng supply chains para sa mga teknolohiyang gaya ng semiconductors at artificial intelligence.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Apung Petronila Capiz-Muñoz, lider ng isang komunidad ng Aeta sa Sitio Sapang Kawayan, na nangangamba silang maapektuhan ng proyekto ang kanilang ancestral domain, kabuhayan, simbahan at burial ground.

Iginiit din niyang hindi umano sila kinonsulta at sinabihang lisanin ang kanilang lugar bago matapos ang taon. Hindi pa malinaw kung sino umano ang nagbigay ng naturang direktiba.

Nagpahayag din ng pagtutol ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na nagsabing kailangang suriin kung sino ang pangunahing makikinabang sa proyekto at kung may kaugnayan ito sa lumalalim na kompetisyon ng Estados Unidos at China sa advanced technology.

Plano ng bagong alyansa na magsagawa ng public education activities at community consultations sa mga susunod na buwan bilang bahagi ng kampanya laban sa Pax Silica.

Nauna namang iginiit ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na ang planong development sa New Clark City ay sasailalim sa mga batas at regulasyon ng Pilipinas at inaasahang makapagdadala ng investments at high-quality jobs.

Sinabi rin ng BCDA na isasaalang-alang ang environmental, social at governance standards sa pagbuo ng proyekto at walang planong displacement ng mga komunidad.

Tiniyak naman kamakailan ng Malacañang na anumang kasunduan kaugnay ng Pax Silica ay hindi dapat makasama sa interes ng Pilipinas at ng mga Pilipino.

Inaasahang lalagdaan sa Nobyembre ang framework agreement para sa proyekto. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here