Home HOME BANNER STORY 3-araw na kilos-protesta kontra Trump, Pax Silica inilatag sa Maynila

3-araw na kilos-protesta kontra Trump, Pax Silica inilatag sa Maynila

1
0

MANILA, Philippines – Nagpapatuloy ang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Lunes, Nobyembre 16, kasabay ng ikalawang araw ng 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Batay sa paunang pagtaya ng Manila Police District (MPD), umabot sa humigit-kumulang 650 ang mga demonstrador na nagtipon sa lugar.

Kabilang sa mga lumahok ang mga katutubo mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, human rights advocates, estudyante at iba pang organisasyong tumututol sa US-led Pax Silica initiative at inaasahang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas.

Iginiit ng mga grupo ang pangangalaga sa lupang ninuno, kabuhayan at likas na yaman na nangangamba silang maapektuhan ng nasabing inisyatiba.

Bahagi ang pagtitipon ng serye ng mga protestang tinaguriang “Trump Out” at “Resist, Oppose, Junk Pax Silica” mula Nobyembre 16 hanggang 18.

Ayon sa inilatag na programa ng mga organizer, nakatakdang magmartsa ang mga demonstrador mula Liwasang Bonifacio patungong US Embassy dakong alas-4 ng hapon ngayong Lunes.

Sa Martes, Nobyembre 17, nakatakda silang muling magtipon sa Liwasang Bonifacio bandang alas-2 ng hapon bago ang planong martsa patungong Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Sa Miyerkules, Nobyembre 18, inaasahan naman ang panibagong martsa patungong Mendiola dakong alas-10 ng umaga.

Matatandaang nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at demonstrador noong Nobyembre 15 matapos tangkaing magmartsa ng mga raliyista patungong lugar na pinagdarausan ng ASEAN Summit.

Nagresulta ang magkahiwalay na insidente sa Maynila at Muntinlupa sa pag-aresto sa daan-daang demonstrador. Nagkakaiba pa ang bilang na inilalabas ng pulisya at mga organisasyong lumahok sa mga protesta.

Samantala, nananatiling naka-full alert ang mga yunit ng pulisya sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon hanggang Nobyembre 19 bilang bahagi ng seguridad para sa ASEAN Summit.

Patuloy ding nagbabantay ang mga tauhan ng MPD sa paligid ng Liwasang Bonifacio habang nagpapatuloy ang mga programa ng mga demonstrador.

(JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here