MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Korte Suprema ang bagong guidelines na nagtataas sa mga halagang maaaring ipagkaloob bilang danyos sa mga biktima ng krimen, kabilang ang sexual violence laban sa mga menor de edad.
Sa desisyon sa People v. Flores, G.R. No. 278376, noong Nobyembre 4, 2026, binago ng Supreme Court En Banc ang mga pamantayan sa civil indemnity, moral damages, exemplary damages at temperate damages upang umayon sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya at bigat ng mga krimen.
Isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh ang desisyong nagbabago sa mga naunang guidelines sa People v. Jugueta at People v. Tulagan.
Bilang aplikasyon ng bagong pamantayan, itinaas ng Korte ang civil indemnity, moral damages at exemplary damages para sa qualified rape ng isang anim na taong gulang na biktima mula P100,000 tungong P325,000 bawat isa.
Para naman sa acts of lasciviousness, itinaas ang tatlong uri ng danyos mula P50,000 tungong P175,000 bawat isa.
Ang mga halagang ito ay papatawan ng 6% legal interest kada taon mula sa pagiging pinal ng desisyon hanggang sa ganap na mabayaran.
Ayon sa Korte Suprema, hindi lamang inflation ang dapat isaalang-alang sa pagtatakda ng danyos kundi pati ang kalubhaan ng krimen, lawak ng pinsala at karanasan ng biktima.
Binigyang-diin din nito na maaaring magtakda ang mga hukuman ng mas mataas na danyos kung may mga pangyayaring nagbibigay-katwiran dito.
Saklaw din ng bagong guidelines ang temperate damages para sa mga gastusing naranasan ng biktima ngunit hindi matukoy ang eksaktong halaga dahil sa kakulangan ng dokumentaryong ebidensya.
Inatasan din ng Korte ang mga trial court na tiyaking maire-refer ang mga batang biktima, sa pahintulot ng kanilang guardian, sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at naaangkop na Rape Crisis Center para sa kinakailangang tulong.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang pagbibigay ng danyos ay hindi lamang usapin ng pera kundi pagkilala sa pinsalang dinanas ng mga biktima at pananagutan sa nagawang krimen.