MANILA, Philippines – Nilinaw ng Malacañang na hindi pa nagagastos ang buong ₱22.9 bilyong pondong inilaan para sa pagho-host ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits at mga kaugnay na pagpupulong ngayong 2026.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sakop ng naturang pondo ang buong taong ASEAN chairmanship ng Pilipinas, kabilang ang 48th ASEAN Summit sa Cebu noong Mayo at ang 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Metro Manila ngayong Nobyembre.
“’Yan pa lang po ‘yung allocated budget. It doesn’t mean po na nagastos na po ‘yan. Hindi po,” paglilinaw ni Castro sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, Nobyembre 16.
Binigyang-diin niya na hindi lamang ang tatlong araw na pangunahing pagpupulong sa Maynila ang pinaglaanan ng naturang pondo, kundi mahigit 550 ASEAN-related meetings sa buong taon.
“Tandaan po natin, dalawa po ‘yung ginanap diyan — isa sa Cebu, at isa po dito sa Manila. Ang meetings na pinaglaanan niyan ay 550 meetings. Baka isipin ng mga kababayan natin, isang araw lang po ‘yan. Hindi po, buong taon po ‘yan,” ani Castro.
Nauna nang ipinaliwanag ng Palasyo na kabilang sa mga gastusin ang pagpapahusay sa mga pasilidad ng Philippine International Convention Center (PICC), Coconut Palace at World Trade Center, gayundin ang seguridad, transportasyon at iba pang logistical preparations.
Kasabay nito, tiniyak ng Malacañang na handa ang pamahalaan na magsumite ng kumpletong ulat ng mga ginastos at sumailalim sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA).
Gayunman, wala pang inilalabas na pinal na accounting ng aktuwal na gastusin dahil nagpapatuloy pa ang mga aktibidad kaugnay ng ASEAN Summit.