MANILA, Philippines – Tatlong indibidwal ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Davao Oriental na sangkot na online sexual abuse at exploitation sa mga bata.
Nasagip din ang limang menor de edad sa operasyon ng ahensya.
Ang mga naaresto na hindi muna pinangalanan ng NBI ay natimbog sa Mati City ng mga operatiba ng NBI Human Trafficking Division (HTRAD), South Eastern Mindanao regional Office (SEMRO) at NBI-Digital Forensic Laboratory (DFL) nang isilbi ang Warrant of Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) na inisyu ng Davao City Regional Trial Court Branch 32.
Sa operasyon, sinabi ng NBI na lahat ng limang menor de edad ay nasagip at nailipat sa kustodiya ng Department of Social Welafre and Deveopment (DSWD) para sa interbyu at pormal na pagkuha ng salaysay.
Kabilang umano sa naaresto ay mag-asawa na magulang ng isa sa nasagip na bata habang naaresto rin ang tatay ng dalawa pang bata.
Isinagawa ang operasyon matapos itong i-refer ng Belgian Police ang kaso ng isang Filipino na suspek sa pagbibigay at pamamahagi ng Child Sexual Abuse and Exploitation Materials (CSAEM) kapalit ng pera.
Sa referral letter nito, sinabi ng Belgian Police na isang Belgian national ang inaresto at pumayag na makipagtulungan sa imbestigasyon.
Mga kasong paglabag sa Section 4(r) ng Republic Act (RA) No. 11930, ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse Materials Act of 2022, kaugnay ng Section 6 ng RA No. 10175, ang Cybercrime Prevention Act of 2012, ang isasampa laban sa tatlong naarestong suspek ayon pa sa NBI. Jocelyn Tabangcura-Domenden