COTABATO- ARESTADO ang tatlong hinihinalang drug den operator matapos salakayin ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency-12 ang kanilang kuta nitong Huwebes, Mayo 30 sa lungsod na ito.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Leo Wacad Magno, Carl Winkie Opeña Magno at Brixbane Jan Barraca Sangco, pawang mga taga Barangay Poblacion Pikit, Cotabato.
Ayon kay PDEA-12 Director Aileen Lovitos, sa bisa ng search warrant sinalakay ng mga operatiba ang drug den ng mga suspek sa Vidal Cabañog Street sa Pikit, Cotabato.
Nakuha sa mga suspek ang pinaniniwalaan shabu na nagkakahalaga ng P85,000 at mga drug paraphernalia.
Sinabi ng mga awtoridad nakatanggap sila ng report hinggil sa iligal na aktibidades ng mga suspek at protektado umano ang mga ito ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Dawlah Islamiya kapalit ng pagbibigay ng parte sa kanilang kita.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng PDEA-12 ang mga suspek at nahaharap sa patung-patong na kaso habang wala naman inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantala nilang kalayaan. Mary Anne Sapico