Home METRO 3 armadong ‘motornapper’ timbog sa Bulacan buy-bust ops

3 armadong ‘motornapper’ timbog sa Bulacan buy-bust ops

Bulacan – Arestado ang tatlong indibidwal na umano’y sangkot sa carnapping at pagbebenta ng mga nawawalang motorsiklo sa bayan ng Calumpit at kalapit bayan.

Kinilala ang tatlong suspek na sina Cornelio Galang, 42, resudente ng Brgy. San Juan, Apalit, Jeffrey Lusung, 22 ng Brgy. Sepung Bulaun, Porac at John Raven Cuengco, 19 ng Brgy. Dila-dila, Sta Rita, Pampanga.

Sa report, ikinasa ang buy-bust operation ng Calumpit police station bandang 3:30 ng madaling araw nitong Hunyo 25 sa Brgy. Palimbang.

Ayon sa report, nagbenta ang mga suspek ng Magenta color Yamaha Mio sa isang police poseur buyer na kinarnap kamakailan sa Malolos kaya agad silang inaresto ng mga pulis na nasa lugar.

Nakumpiska sa operasyon ang nakaw na Mio motorcycle, cal. 38 revolver na may apat na bala, mga susi ng motor, puting Nissan Sentra na kanilang get away vehicle at marked money.

Sinasabing nag-ugat ang operasyon nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya sa kanilang confidential informant na may mga dayong indibiduwal na sangkot sa bentahang ng nakaw na motorsiklo.

Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III