MANILA, Philippines – Tatlong indibidwal mula Singapore, Bangladesh at Myanmar ang tumanggap ng 2026 Ramon Magsaysay Awards bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa diplomasya, humanitarian service at pagtatanggol sa karapatang pantao.
Ginawaran sina Singaporean diplomat Tommy Koh, Bangladeshi humanitarian Runa Khan at Myanmar human rights advocate Bo Kyi sa seremonyang ginanap sa Manila Metropolitan Theater nitong Linggo, Nobyembre 15.
Kinilala si Koh dahil sa kanyang mahabang paglilingkod sa international diplomacy, kabilang ang mahalagang papel niya sa negosasyong nagresulta sa pagbuo ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong 1982.
Ang UNCLOS ang nagsisilbing pangunahing pandaigdigang balangkas para sa mga karapatan at pananagutan ng mga bansa sa paggamit ng karagatan.
Pinarangalan naman si Khan sa pagtatatag ng Friendship, isang organisasyong naghahatid ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan at climate adaptation programs sa mga liblib at bulnerableng komunidad sa Bangladesh.
Samantala, kinilala si Bo Kyi sa kanyang adbokasiya para sa mga bilanggong pulitikal at biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa Myanmar.
Si Bo Kyi, na pitong taong nakulong sa ilalim ng pamumunong militar, ay kabilang sa mga nagtatag ng Assistance Association for Political Prisoners (AAPP) noong 2000.
Ayon sa Ramon Magsaysay Award Foundation (RMAF), ipinakita ng tatlong awardee ang kahalagahan ng pamumunong nakatuon sa paglilingkod, katarungan at dignidad ng tao.
Tumanggap ang bawat awardee ng medalyon na may larawan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, sertipiko at cash prize.
Unang ipinagkaloob noong 1958, ang Ramon Magsaysay Award ay kumikilala sa mga indibidwal at organisasyong may natatanging ambag sa paglilingkod sa mamamayan ng Asya.
Sa kabuuan, umabot na sa 331 indibidwal at 28 organisasyon mula sa 24 na bansa at teritoryo sa Asya ang kinilala ng parangal. RNT