MANILA, Philippines – Isasailalim sa laboratory examination ang 26 na pakete ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng tinatayang P159 milyon matapos matagpuan ng apat na mangingisda sa karagatan ng Aparri, Cagayan noong Sabado, Nobyembre 14.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa 30.15 kilo ang kabuuang timbang ng mga pakete na naglalaman ng puting pulbos at nakabalot sa transparent vacuum-sealed plastic.
Sinabi ni PDEA Regional Director Gil Cesario Castro na kailangang suriin ang mga nakuhang substance upang makumpirma kung cocaine ang mga ito.
Naunang iniulat ng Cagayan Police Provincial Office na nakita ng mga mangingisda ang mga pakete habang nangingisda malapit sa mga isla ng Fuga at Camiguin.
Isinuko ang mga ito sa Aparri Police Station bandang alas-10:30 ng umaga.
Pinuri naman ni Castro ang apat na mangingisda sa kanilang katapatan at pakikipagtulungan sa mga awtoridad.
Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng pagbabantay ng mga komunidad sa baybayin upang mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng ilegal na droga.
Hindi pa natutukoy ang pinagmulan ng mga pakete habang hinihintay ang resulta ng laboratory examination. Mary Anne Sapico