Home METRO P639-M investment, love scam network, nabisto sa Bohol; 31 arestado

P639-M investment, love scam network, nabisto sa Bohol; 31 arestado

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ang 31 indibidwal sa Bohol dahil sa umano’y pagkakasangkot sa malawakang online scam operations na may tinatayang halagang mahigit $10 milyon o ₱639 milyon, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Batay sa pahayag ng NBI, isinagawa ang apat na magkakaugnay na operasyon sa Panglao at Dauis, Bohol noong Nobyembre 10 at 11, 2026.

Natuklasan umano ng mga awtoridad ang mga pekeng online identity, messaging scripts at iba pang materyales na ginagamit upang makuha ang tiwala ng mga biktima bago sila hikayating magpadala ng pera o mamuhunan sa cryptocurrency.

Kabilang sa mga nasamsam ang daan-daang electronic devices, cryptocurrency records at financial documents na sinusuri ng mga imbestigador.

Ayon sa NBI, kapwa Pilipino at dayuhan ang target ng sindikato sa pamamagitan ng mga pekeng investment opportunities at online romantic relationships.

Sinisilip din ng mga awtoridad ang posibleng koneksyon ng grupo sa mga scam operation sa Cambodia matapos matuklasang may ilang suspek na dati nang bumiyahe o nanatili sa naturang bansa.

Isinangguni na sa Bureau of Immigration ang mga natuklasan para sa karagdagang beripikasyon at posibleng deportation proceedings.

Isinailalim sa inquest proceedings ang mga inaresto habang inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng mga kaso kaugnay ng Anti-Financial Account Scamming Act at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Samantala, patuloy ang koordinasyon ng NBI at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa mga organisadong online scam network. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here