MANILA, Philippines — Sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na natukoy na ng kanyang imbestigasyon ang hindi bababa sa tatlong umano’y “bagman” na may kaugnayan sa mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig City.
Gayunman, hindi niya pinangalanan ang mga ito o ipinaliwanag ang kanilang umano’y papel.
Ayon kay Lacson, may ilang indibidwal na kusang lumapit sa kanyang kampo upang magbigay ng impormasyon matapos niyang magsalita tungkol sa umano’y mga maanomalyang proyekto sa Taguig. Aniya, patuloy pa nilang sinusuri ang mga impormasyong natatanggap.
Inamin din ni Lacson na mas binigyan niya ng prayoridad ang imbestigasyon sa Taguig dahil sa kanyang alitan kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, ngunit iginiit niyang hindi niya tinatarget ang lungsod.
“If you attack my integrity, I will fight back and retaliate… I’m just prioritizing it, not singling it out. I’m prioritizing it because of all his noise,” aniya.
Sinisiyasat ng grupo ni Lacson ang umano’y ghost projects, magkakaparehong proyekto, at dalawang ₱100 milyong appropriations na aniya ay may parehong lokasyon at paglalarawan.
Nauna nang iginiit ni Cayetano na walang ghost projects sa Taguig at hinamon si Lacson na magpakita ng ebidensya.
Sinabi rin ni Lacson na pinag-iisipan niyang direktang isumite ang mga nakalap na ebidensya sa Office of the Ombudsman sa halip na dalhin muna ito sa Senate Blue Ribbon Committee upang mapabilis ang imbestigasyon.
Sa oras ng paglalathala, wala pang tugon si Cayetano sa pinakahuling pahayag ni Lacson. RNT/MDS