Home TOP STORIES Libo-libo lumikas sa wildfire sa Europe

Libo-libo lumikas sa wildfire sa Europe

1
0

ISPRA, Italy — Libo-libong residente at turista ang napilitang lumikas matapos kumalat ang mga wildfire sa Italy, France, at Spain dahil sa matinding init at malalakas na hangin.

Ayon sa European Forest Fire Information System (EFFIS), ang kabuuang lawak ng nasunog na lupa sa European Union ngayong taon ay ikalawa sa pinakamalaki na naitala.

Tatlong bumbero na ang nasawi habang patuloy na nararanasan ng southern Europe ang matinding init, kung saan lumampas sa 40°C ang temperatura sa ilang lugar.

Sa France, mahigit 20,000 katao, karamihan ay mga turista, ang inilikas sa paligid ng Bordeaux matapos masunog ang malawak na kagubatan ng pine. Humingi rin ang France ng tulong sa European Union para sa anim na aircraft na gagamitin sa pag-apula ng apoy.

Sa Italy, patuloy ang paglaban ng libo-libong emergency workers sa mga sunog sa Sicily at Calabria. Isang bumbero ang namatay habang rumesponde sa sunog sa Sicily. Iniimbestigahan din ang ulat na sinadya umanong magsimula ng apoy ng mga arsonist.

Sa Spain, inilikas ang humigit-kumulang 3,500 residente ng bayan ng Aldea de Fresno malapit sa Madrid dahil sa wildfire na hindi makontrol. Patuloy ring inaapula ng daan-daang bumbero ang mas malaking sunog sa lalawigan ng Guadalajara.

Ayon sa mga eksperto, mas mabilis kumakalat ang mga wildfire dahil sa climate change, na nagdudulot ng mas matinding init at tagtuyot sa Europe.

Nagbabala rin ang Spanish civil protection na may mga sunog na umaabot sa puntong halos wala nang magawa ang mga bumbero kahit gumagamit ng eroplano at malalaking ground crews sa pag-apula ng apoy. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here