MANILA, Philippines – Tatlong tropical cyclone ang mino-monitor ng PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), kabilang ang Typhoon Saudel na lumakas na may maximum sustained winds na 175 kph at pagbugsong hanggang 215 kph.
As of 3 a.m. nitong Linggo, ang bagyong Saudel ay nasa 2,245 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon at kumikilos pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Mino-monitor din ang isang tropical depression na nasa 1,205 kilometro silangan ng Eastern Visayas, na may lakas na 55 kph at gustiness na 70 kph.
Ang ikatlo ay Tropical Depression Gaenari, na nasa 565 kilometro hilaga ng Itbayat, Batanes. May maximum sustained winds itong 55 kph at gustiness na 70 kph.
Wala pa sa PAR ang tatlong bagyo at wala ring itinaas na tropical cyclone wind signal ang PAGASA sa bansa.
Samantala, patuloy na nakaaapekto ang Habagat sa Luzon, na nagdadala ng pag-ulan sa Batanes at maulap na panahon na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera, Central Luzon, Rizal, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro at Cagayan Valley.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash flood at landslide sa mga lugar na makatatanggap ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Makakaranas din ng katamtaman hanggang malakas na hangin at maalon na karagatan ang hilaga at kanlurang bahagi ng Luzon, na may taas ng alon na 1.5 hanggang 3.4 metro. RNT/MDS