MANILA, Philippines – Kinilala na ang tatlong bangkay na natagpuan na wala nang buhay sa “The Lake Hotel” sa Brgy Maharlika West, Tagaytay City, Cavite.
Ayon sa ipinadalang report ng pulisya, Kinilala ang mga biktima na sina David james Fisk, 57, isang Australian national, asawa nitong si Lucita Barquin Cortez, 55, Filipina at isa na ring Australian citizen, at Mary Jane Cortez, 30, hipag ng isa sa mga biktima na residente ng Baco, Oriental Mindoro.
Base sa isisnagawang imbestigasyon, inilarawan ang suspek na may taas na 5’4 hanggang 5’6, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay itim na hoodie jacket, maroon short, sneaker na may Adidas na logo, at naka backpack na logo ng Adidas.
Batay sa ginawang pagsisiyasat ng pulisya, bandang alas-12:30 ng Miyerkules ng hapon, Hulyo 10 nang umakyat ang staff na si Allan Manza sa Room 103 ng Hotel upang pagsabihan ang mga occupants hinggil sa nakatakda nilang check-out subalit pagbukas nito ng pinto ay tumambad ang mga biktima na nakatali ang mga kamay at paa gamit ang electrical cords at sintas habang packaging tape naman ang ginamit sa bunganga nila habang nakadapa at wala nang buhay.
Sa inisyal na ulat, base sa footage ng Closed Circuit Television (CCTV ) ng hotel, nakita ang suspek na palabas ito sa kwarto ng mga biktima patungo sa exit ng hotel.
Tumugma naman ang suspek na nakita ng Security Guard na si Rodney Parahinog na dumaan bandang alas-6:00 ng umaga sa Gate 1 entrance at tinanong pa nito kung saan ito pupunta at sinabi umano na sa Room 103.
Hawak nito ang susi at key card ng kuwarto.
Patuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso para sa pagkakakilanlan ng suspek at kung ano ang motibo sa naturang pagpatay. Margie Bautista