MANILA, Philippines – Nadakip ng mga rumespondeng tauhan ng Taguig City police Substation 2 kabilang ang mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ang 3 lechonero makaraang mahulihan ang mga ito ng mga baril at granada Miyerkules ng hapon, Hulyo 10.
Sa report ng Taguig City police sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang mga inarestong suspects na sina alyas Biboy, 27; alyas Ray, 19; at isang alyas Baste, 18, mga kapwa lechonero.
Sinabi ng SPD na naganap ang pag-aresto sa mga suspects dakong alas 3:20 ng hapon sa Lopez Jaena St., Barangay Rizal, Taguig City.
Nag-ugat ang pagdakip sa mga suspects bunsod sa natanggap na impormasyon ng Substation 2 mula sa isang concerned citizen na mayroong mga di-umanoý nagpapaikot-ikot sa Lopez Jaena St., Barangay Rizal na may mga dalang baril at granada.
Makaraan ang pagtanggap ng tawag mula sa concerned citizen ay mabilis na nagtungo ang mga tauhan ng Substation 2 kasama ang SWAT at TMRU sa lugar.
Inabutan ng mga awtoridad ang tatlong suspects sa lugar kung saan nakuha sa posesyon ni alyas Biboy ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng limang bala at isang granada; isang granada ang nakapkap kay alyas Ray; habang si alyas Baste naman ay nakuhanan ng isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala.
Napag-alaman sa beripikasyon na ang mga nadakip na suspects ay sangkot din sa pamamaril ng pulis noong nakaraang Hunyo 23 sa Taguig.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives) ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Taguig City police. James I. Catapusan