MANILA, Philippines – Walang kondisyon o kasunduan sa desisyon ni Senador Francis “Chiz” Escudero na lumahok sa sesyon nitong Miyerkules, Hunyo 3, ayon kay Senador Panfilo Lacson.
“As fas as I know, he did not ask for anything, he did not set any preconditions. He joined the session voluntarily, based on his statement, to break the impasse and preserve the integrity, dignity and reputation of the Senate,” sinabi ni Lacson sa panayam ng GMA News.
Aniya, walang naging usapan patungkol sa pending na kaso ni Escudero sa maanomalyang flood control projects.
Si Lacson ang chairperson ng Blue Ribbon Committee, na nag-imbestiga sa flood control scandal na nagdulot naman ng pagkakaugnay nina Escudero at iba pang personalidad sa mga iregularidad.
Bigo namang makakuha ng sapat na pirma ang committee report para ipadala ito sa plenaryo.
Aniya, ang mga ebidensyang nakalap ng komite ay naipadala na sa Ombudsman na siya namang nag-iimbestiga sa iskandalo.
“Nasa kanya na (Escudero) na ipagtanggol ang kanyang sarili sa nagaganap na imbestigasyon. Wala na sa kamay namin iyon. Naipadala ko na sa Ombudsman ang lahat ng ebidensya. Bahala na ang Ombudsman to evaluate,” sinabi ni Lacson.
Aniya, naipaalam sa kanila ang planong pagdalo ni Escudero sa sesyon bandang ala-1 ng hapon.
Samantala, sinabi naman ni Escudero na ang nagpapatuloy na impasse sa kapulungan ay naging “untenable and unacceptable” at nakakaapekto na sa pagtupad sa tungkulin ng Senado. RNT/JGC