MANILA, Philippines – Hinamon ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pamahalaan na manindigan sa pag-aari ng Pilipinas.
Ayon kay Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Office on Stewardship, hindi maaaring balewalain ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hauge Netherlands na pagmamay-ari ng Pilipinas ang West Philippine Sea noong Hunyo 12, 2016.
Ito ang binigyan diin ng Obispo sa ika-walong anibersaryo ng naging tagumpay ng Pilipinas sa arbitration kaugnay sa inaangking teritoryo ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa Obispo, bukod sa pagpapasalamat sa Diyos kaugnay sa landmark international ruling ay mahalagang panindigan at bigyang diin ng Pilipinas ang pagmamay-ari sa West Philippine Sea na naaayon sa international law o pandaigdigang batas.
Nagpapasalamat naman si Bishop Pabillo sa pakikibahagi at pagsubaybay ng Kanyang Kabanalan Francisco at ng Vatican sa sitwasyon na kinahaharap ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea na iginiit na dapat na tuwinang isulong ng Simbahan ang mapayapang paglutas sa usapin ng naayon sa batas.
Sa naging pagbisita ni Vatican Secretary for Relations with States Archbishop Paul Gallagher sa Pilipinas ay nanawagan ang opisyal ng Vatican sa mga umaangkin ng teritoryo sa West Philippine Sea na sumunod sa pandaigdigang batas at lutasin ang suliranin sa mapayapang paraan.
Saklaw ng 200-nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang pinag-aagawang teritoryo ng Pilipinas sa WPS batay na rin sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na dinaraan ng tinatayang umaabot sa higit 5-trilyong dolyar ang halaga ng kalakal mula sa iba’t ibang bansa kada taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden