Tatlong kabataan na nasa edad 15-anyos pababa ang tinamaan ng monkeypox sa Cabanatuan City.
Ito ang kinumpirma ng opisyal ng City Health Office ng Cabanatuan City sa kanilang ipinalabas na health advisory nitong May 30, 2025.
Ayon kay Edwin S. Manabat, chief ng City Epidemiology and Surveillance Unit ng lungsod, nakapagtala ng unang kaso noong Marso, nasundan nu’ng Abril at noong Mayo.
Dalawang babae at isang lalake na mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ang nadale ng mpox subalit pawang magagaling na matapos ang ginawang isolation at monitoring ng mga kawani ng CHO sa mga pasyente at kanilang pamilya.
“Meron po tayong naging tatlo po na kumpirmadong MPOX sa Cabanatuan City at pinapaalam din po namin sa lahat na sila po ay fully recovered na po,” sabi ni Manabat.
Base sa resulta ng imbestigasyon at contact tracing ng CHO, wala naman umanong travel history ang mga bata para makasalamuha ng may sakit na mpox sa ibang lugar.
Gayunman, sumailalim sa pagsusuri ang mga bata at nagpositibo ang resulta sa mpox virus kung kaya agad ipinatupad ang isolation sa kani-kanilang bahay kasama ang kanilang pamilya na itinuturing na close contact.
Mahigpit ding binatayan ng CHO at ng mga barangay health workers ang mga bata hanggang sa matapos ang 21 days quarantine.
Bagama’t may naitalang tatlong kaso ng mpox ay wala naman dapat ikabahala ang publiko dahil fully recovered na ang mga biktima.
Mahigpit din umano ang pagiikot ng mga otoridad sa mga mall at establishmento para siguraduhing ligtas ang kanilang lugar sa mpox.
Nanawagan din ang CHO sa publiko na maging mapagmatyag at agad na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan kung may sintomas o kaso ng mpox sa kanilang mga lugar
Narito ang mga numero o hotline ng CHO-CESU na pwedeng tawagan # 0919-081- 0167. (Marina G. Bernardino)