Home METRO 3 ‘boss’ ng sinalakay na Makati POGO hub kinasuhan na – CIDG

3 ‘boss’ ng sinalakay na Makati POGO hub kinasuhan na – CIDG

MANILA, Philippines- May kabuuang 131 indibidwal, kabilang ang 96 dayuhan, ang nahuli ng sa raid laban sa Philippine offshore gaming operator (POGO) activities sa Makati City, ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Sinabi ng CIDG nitong Sabado ng gabi na nagsilbi ng arrest warrant para sa robbery ang mga awtoridad kay alyas Michael sa Flying Future Services, Inc. nitong Martes.

Sa implementasyon ng arrest warrant, inihayag ng CIDG na nilapitan ng isang foreign national ang mga awtoridad at iniulat ang illegal online activities sa opisina ng Flying Future.

Nakumpirma ng mga awtoridad ang ulat at naglunsad ng operasyon. Base sa CIDG, ang Flying Future ay isang software development company subalit natuklasang nagsasagawa ng illegal POGO operations.

Kabilang sa mga nadakip sa nasabing operasyon ay ang 58 Chinese, 13 Malaysians,12 Taiwanese, walong Japanese, dalawang Vietnamese, isang Mongolian, isang St. Kitts & Nevis national, at isang Brazilian.

Nasabat naman sa operasyon ang ilang piraso ng ebidensya kabilang ang electronic devices at mga dokumentong ginagamit sa illegal POGO hub at illicit online operations, base sa CIDG.

Kinilala ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III ang tatlong naarestong Chinese suspects na sina Guge, boss ng Intech World Company; Layson, boss ng Omniach Company; at Younger, ang boss ng Urban Ideas—kapwa sub-companies ng Flying Future.

Nahaharap ang tatlo sa reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at sa Cybercrime Prevention Act maging illegal gambling.

Pansamantala silang nakaditine sa CIDG Southern District Field Unit.

Samantala, ang natitirang mga dayuhan ay nasa kustodiya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para sa dokumentasyon at wastong disposisyon.

“Rest assured that your CIDG is unyielding in catching and raiding individuals and syndicates, local or foreign nationals who are involved in all types of crimes in the country including trafficking in persons and illegal operations of POGOs/internet gaming licensees (IGLs),” pahayag ni Torre.

“We urge the public to report all suspicious activities in your localities, and your CIDG will do the rest,” dagdag niya. RNT/SA