Home METRO 3-buwang sardine fishing ban, ipinatupad na sa Zamboanga

3-buwang sardine fishing ban, ipinatupad na sa Zamboanga

1
0

PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur – Nagsimula nitong Linggo, Nobyembre 15, ang tatlong-buwang pagbabawal sa pangingisda ng sardinas sa mga piling karagatan ng Zamboanga Peninsula upang mabigyan ng pagkakataong dumami ang populasyon ng mga isda.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), tatagal ang taunang closed fishing season hanggang Pebrero 15, 2027.

Sakop ng pagbabawal ang mga itinakdang conservation area sa East Sulu Sea, Basilan Strait at Sibuguey Bay.

Pansamantalang ipinagbabawal sa mga nasabing lugar ang paghuli, pagbili, pagbebenta at transportasyon ng sardinas alinsunod sa mga umiiral na regulasyon.

Layunin ng programa na maprotektahan ang mga sardinas sa panahon ng kanilang pangingitlog upang mapanatili ang sapat na suplay at kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa industriya.

Bago ang pagpapatupad ng pagbabawal, nagsagawa ang BFAR Region 9 ng send-off ceremony noong Sabado, Nobyembre 14, sa Ben Go Wharf sa Zamboanga City para sa mga tauhang magbabantay sa karagatan.

Binigyang-diin ni BFAR National Director Elizer Salilig ang kahalagahan ng pangangalaga sa yamang-dagat habang tinutugunan ang pangangailangan ng mga mangingisda at manggagawa sa industriya ng sardinas.

Hinimok din niya ang mga lokal na pamahalaan at kaugnay na ahensya na magpatuloy sa pagbibigay ng alternatibong kabuhayan sa mga maaapektuhan ng pansamantalang fishing ban.

Samantala, mangunguna ang mga patrol vessel ng BFAR sa pagbabantay sa mga sakop na karagatan upang matiyak ang pagsunod sa pagbabawal.

Unang ipinatupad ang taunang closed fishing season sa rehiyon noong 2011 bilang bahagi ng programa para sa pangmatagalang pangangalaga sa populasyon ng sardinas. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here