Home NATIONWIDE 3 Chinese arestado sa pagdukot sa Malaysian nat’l sa P’que

3 Chinese arestado sa pagdukot sa Malaysian nat’l sa P’que

MANILA – Arestado ang tatlong Chinese national dahil sa umano’y pagdukot sa isang Malaysian national sa Parañaque City nitong Lunes.

Sa ulat, kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga suspek na sina Li Xue Chang, 34; Huang Guanghong, 27; at Wang Yefu, 24; lahat ng residente ng Shore Residences sa Pasay City.

Nadakip ang mga suspek sa entrapment operation ng Parañaque City Police Station dakong alas-5:30 ng umaga sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard sa Barangay Tambo, na naging dahilan din ng pagsagip sa 42-anyos na biktima.

Nakuha mula sa mga suspek ang tatlong kalibre .45 na pistola, anim na magazine, 38 basyo ng bala, isang bolo, isang pocket knife, apat na cellular phone, boodle money, at isang silver na Mitsubishi Adventure vehicle na ginamit sa krimen.

Lumalabas sa imbestigasyon na dinukot ng mga suspek ang biktima dakong alas-11 ng gabi. noong Setyembre 6 sa Barangay Tambo.

Nag-ugat ang operasyon sa ulat ng kaibigan ng biktima, isa ring Malaysian national, na nagsabing pinadalhan siya ng mga suspek ng ransom demands at mga larawan ng biktima na pinahirapan sa pamamagitan ng messaging app na Telegram noong Linggo.

Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa mga reklamong kriminal ng kidnapping, mga paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Batas Pambansa 6 (An Act Regulating the Sale, Use, and Possession of Bladed, Pointed, or Deadly Weapons).

Tinitingnan din ng mga pulis ang posibilidad ng pagkakasangkot ng mga suspek sa iba pang aktibidad na kriminal. RNT