TINATAYANG nasa P4.8 bilyon halaga ng mga hinihinalang ismagel na iba’t-ibang produkto ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang pagsalakay sa isang bodega sa Maynila nitong nakaraang linggo.
Ayon sa BOC, sinalakay ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ang isang bodega sa Binondo noong Setyembre 6 at nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga smuggled na vape at mga pekeng branded items, mga pampaganda, at iba’t-ibang mga paninda.
Nabatid pa sa BOC na nadiskubre din sa iba’t ibang palapag ng nabanggit na storage building ang mga pekeng signature items na may tatak tulad ng Gucci, Louis Vuitton, Dior, Adidas, Nike, at NBA.
Natagpuan din ang mga school supplies ng mga sikat na karakter tulad ng Hello Kitty, Spiderman, at Disney character, pati na rin ang mga aerosols, cosmetics, tool, at iba pang
general merchandise.
Dahil dito, pansamantalang nilagyan ng padlock at sinelyuhan ng BOC ang subject storage areas habang nakabinbin ang final inventory ng mga kalakal ng nakatalagang Customs examiner.
Samantala, ang mga may-ari at operator ng sinalakay na bodega ay binigyan ng 15 araw mula sa serbisyo ng Letter of Authority, upang magsumite ng mga dokumento upang ipakita na ang mga inangkat na mga kalakal ay lehitimo at ang tamang mga tungkulin at buwis ay binayaran alinsunod sa Seksyon 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ayon sa BOC, sa oras na hindi maipakita ang mga nabanggit na mga kaukulang dokumento ay magreresulta sa mga kaso dahil sa paglabag sa Section 117 (regulated importation and exportation) at Section 1400 (misdeclaration in goods declaration) na may kaugnayan sa Section 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng CMTA laban sa mga may-ari at operator ng bodega.
Maaari rin silang kasuhan alinsunod sa Republic Act 8293, o kilala bilang Intellectual Property Code of the Philippines at Republic Act 10963, o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law). Jay Reyes