MANILA, Philippines – Nasabat ng Bureau of Customs (BoC) Port of Clark ang tinatayang nasa P70 milyong halaga ng hinihinalang high grade marijuana o Kush na tangka sanang ipuslit at nakalagay umano sa bagahe ng tatlong naarestong Chinese national sa Clark International Airport.
Kinilala ang mga naarestong dayuhan na sina alyas “Ang See”, 39; “Kim Tam”, 27 at “Li Cheng”, 30 anyos.
Sa ulat, nagsagawa ng routine inspection ang Customs nang madiskubre ang mga kontrabando na nakalagay sa bagahe ng mga suspek.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 99 na piraso ng transparent vacuum-sealed plastic packs ng mga hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na pinaniniwalaang isang high grade marijuana kush na may timbang na higit 46,000 gramo at standard drug price aabit sa P70 milyon.
Ayon sa Customs, sakay ng isang passenger plane ang mga suspek mula Bangkok, Thailand at patungo ang mga ito sa Hong Kong nang masabat ng mga awtoridad.
Nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga nadakip na dayuhan at ang mga nasabat na kontrabando para sa laboratory forensic examination and confirmation at pagsasampa ng mga kaukulang kaso. ROEL TARAYAO