Home NATIONWIDE Free calls para sa OFWs sa ME, iniutos ni PBBM; NTC, sumuporta

Free calls para sa OFWs sa ME, iniutos ni PBBM; NTC, sumuporta

160
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang telecommunications companies (telcos) sa bansa na magbigay ng libreng tulong sa komunikasyon para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East sa gitna ng umiiral na tensiyon sa rehiyon.

Sa isang Facebook post, sinabi ng Pangulo na sa pamamagitan ng Libreng Tawag Program, maaaring tumawag nang walang bayad ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Iran, Iraq, Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, United Arab Emirates, at Saudi Arabia upang makausap ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Ayon kay Marcos, layunin ng inisyatiba na matulungan ang OFWs na makumpirma ang kanilang kaligtasan at manatiling konektado sa kanilang mga mahal sa buhay sa panahon ng kawalang-katiyakan.

“Our public telecommunications entities will also set up free call stations in selected business centers located in major malls to help families stay in touch with their loved ones abroad,” anang Pangulo.

“Through these efforts, we want to ensure that our kababayans can remain connected with their families, offer comfort to one another, and confirm their safety without additional financial burden,” dagdag pa niya.

Bahagi ang programang ito ng iba pang hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang OFWs sa Middle East at tiyakin ang kanilang kapakanan.

Samantala, nagpahayag ng buong suporta ang National Telecommunications Commission (NTC) sa direktiba ng Pangulo.

Ayon kay NTC Commissioner Ella Blanca Lopez, mahalagang hakbang ang pag-activate ng Libreng Tawag Program upang matulungan ang OFWs na manatiling konektado sa kanilang mga pamilya sa gitna ng krisis.

Sinabi ni Lopez na patuloy na babantayan ng NTC ang pagpapatupad ng direktiba ng Pangulo at magsasagawa ng kinakailangang koordinasyon upang matiyak na makikinabang dito ang OFWs at kanilang mga pamilya.

Bigay-diin pa ng NTC Commissioner, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na matiyak na nananatiling abot-kamay at maaasahan ang komunikasyon para sa mga Pilipino, lalo na sa panahon ng krisis. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here