MANILA, Philippines- Arestado ang tatlong Chinese nationals sa robbery at physical abuse sa kababayan nila nitong Lunes sa Pasay City.
Sinabi ng Southern Police District (SPD) na kinilala ang mga suspek na sina alyas “Shipeng,” 32, alyas “You Liang,” 36, at alyas “Hai Tao,” 29, kapwa pansamantalang naninirahan sa Manila.
Ayon sa SPD, kasalukuyang nakaditene ang mga suspek sa Pasay police custodial facility matapos madakip dahil sa pagnanakaw at pisikal na pang-aabuso sa biktima na kinilalang si alyas “Chenghuan,” 25.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-8:40 ng gabi sa isang residential building sa Barangay 5, Pasay City.
Inihayag ng mga pulis na pwersahang kinuha ng mga suspek ang P310,000 mula kay Chenghuan sa pamamagitan ng online transactions gamit ang Alipay, WeChat Pay, at cryptocurrency tether (USTD).
Base pa sa mga awtoridad, nakahingi ng tulong ang biktima sa mga pulis security personnel ng gusali na agad na nagpatulong sa mga pulis mula sa Pasay police substation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Narekober ng mga pulis mula sa mga suspek ang dalawang patalim at kanilang cellular phones. Kinasuhan sila ng robbery and physical injury. RNT/SA