MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na tatlo sa mga contractor na iniimbestigahan nito ay kabilang sa listahan ng 15 public works contractors na ibinulgar ni Pangulong Bongbong Marcos kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na niton Miyerkoles ay isinumite ng Comelec sa House of Representatives ang listahan ng 31 contractor bilang bahagi ng imbestigasyon, at posible pa umano itong madagdagan.
Ayon pa kay Garcia, kasama sa isusumiteng detalye kung magkano ang donasyong ibinigay ng contractor, sino ang opisyal na nagbigay, at sinong kandidato ang nakatanggap.
Nilinaw din ni Garcia na hindi lamang nakatuon ang imbestigasyon sa mga contractor na may hawak ng flood control projects, kundi pati na rin sa mga nagbigay ng donasyon sa mga kandidato noong 2022 elections, alinsunod sa Omnibus Election Code. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)