MANILA, Philippines – Nagbukas ng tig-iisang gate ang tatlong dam sa Luzon nitong Miyerkules ng umaga upang magpakawala ng tubig bunsod ng epekto ng Northeast Monsoon at easterlies, ayon sa PAGASA.
Sa hydrological situationer na inilabas alas-9 ng umaga, sinabi ng PAGASA na nagbukas ang Ambuklao Dam ng isang gate sa taas na 0.3 metro at nagpakawala ng 33 cubic meters per second (cms) ng tubig na maaaring makaapekto sa Barangay Ambuclao sa Benguet.
Nagbukas din ng isang gate ang Binga Dam sa 0.3 metro at naglabas ng 38 cms ng tubig na posibleng makaapekto sa mga barangay ng Dalupirip at Tinongdan sa Benguet.
Samantala, nagbukas din ng isang gate ang Ipo Dam sa taas na 1 metro at nagpakawala ng 114.50 cms ng tubig. Ayon sa PAGASA, maaaring maapektuhan ang mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Hagonoy, at Paombong.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga residente at local disaster risk reduction and management councils na magpatupad ng mga hakbang sa pag-iingat. Nanatiling sarado ang lahat ng gate ng Angat Dam hanggang Disyembre 23.
Nauna ring sinabi ng ahensya na magdadala ang Northeast Monsoon at easterlies ng maulap na kalangitan at bahagyang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong bisperas ng Pasko. Santi Celario