MANILA, Philippines – Nag-deploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng dalawang multi-role response vessels nitong Miyerkules upang magsakay ng mga na-stranded na pasahero sa Port of Lucena, Quezon sa gitna ng dagsa ng mga biyahero ngayong Pasko.
Ayon sa PCG, ginamit ang BRP Suluan (MRRV-4406) upang maisakay ang 75 pasaherong hindi nakakuha ng commercial trip mula Lucena patungong San Agustin, Romblon, na umalis bandang alas-6 ng umaga.
Nanatili namang naka-standby ang BRP Bagacay (MRRV-4410) upang magsakay ng iba pang maaaring ma-stranded na pasahero.
Sinabi ni Coast Guard District Southern Tagalog Commander Commodore Geronimo Tuvilla na isinagawa ang operasyon alinsunod sa mga alituntunin sa maritime safety at security. “This initiative underscores the PCG’s dual role as a maritime safety agency and a humanitarian force, reaffirming our commitment to compassion, unity, and service, especially during critical times, while making the Christmas season meaningful for families across island communities,” ani Tuvilla.
Bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2025, iniulat ng PCG na umabot sa 266,554 ang outbound at 233,670 ang inbound passengers na minonitor sa mga pantalan sa buong bansa noong Disyembre 23.
Nagsagawa rin ang ahensya ng inspeksyon sa 2,229 sasakyang-dagat at 2,000 motorbanca, habang inilagay sa heightened alert ang lahat ng yunit mula Disyembre 20, 2025 hanggang Enero 4, 2026. RNT