MANILA, Philippines – Dalawang bata sa Iloilo ang nasugatan sa magkahiwalay na insidente na may kinalaman sa “boga” o improvised cannon ilang araw bago ang Bagong Taon, kung saan kapwa tinamaan sa kanang mata ang mga biktima.
Nasugatan ang isang limang taong gulang na batang lalaki sa Barangay Agdahon, Passi City noong Disyembre 19 habang naglalaro ng “boga” kasama ang kanyang 10-taong-gulang na kapatid sa labas ng kanilang bahay.
Ayon sa pulisya, sumabog ang improvised cannon habang ginagamit ng mga bata. Sumailalim na sa operasyon ang mata ng bata at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
“Ang isang plastic (bottle) ng softdrink, pinutol nila then parang itinuon ng kapatid sa kanyang nakababatang kapatid without knowing na puputok pala,” ayon kay Passi City Police spokesperson Captain Ma. Rosario Miranda.
Mahigpit na minomonitor ng Iloilo Provincial Health Office (PHO) ang kalagayan ng bata at nakikipag-ugnayan din sa PSWDO para sa posibleng tulong-pinansyal.
“Nagko-coordinate kami sa PSWDO kung ano ang maibigay na financial assistance pero sa atin sa health, bumabalik tayo sa kampanya natin sa Iwas Paputok para ang singular injuries ma-prevent natin sa future rin,” sinabi ni Dr. Rodney Labis, assistant head ng Iloilo PHO.
Batay sa tala ng Iloilo PHO, isa pang insidente ang naitala kung saan isang siyam na taong gulang na batang babae sa Cabatuan, Iloilo ang tinamaan din sa kanang mata ng “boga.” Binigyan siya ng gamot bago pauwiin.
Ayon sa Department of Health, kabilang ang “boga” sa mga sanhi ng firecracker-related injuries sa Western Visayas, at karamihan sa mga biktima ay may edad isa hanggang 10 taong gulang. “Starting 2022 up to 2024, we have increasing cases. In these increasing cases that I have mentioned, it is more of blast with no amputation or eye injuries. We have no deaths,” ayon kay Dr. Fritzi Jeroso-Dequito ng DOH-CHD 6.
Nagbabala ang mga health authority na bukod sa paso, maaaring magdulot ng permanenteng pinsala ang pagsabog ng “boga.”
“Well magiging disable talaga ang ating pasyente because permanent ang injuries. As much as possible i-avoid natin,” sabi ni Dr. Clarrene Anne Barrios, general surgeon sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital. RNT