Home NATIONWIDE 3 dating bise-presidente ‘absent’ sa SONA 2024

3 dating bise-presidente ‘absent’ sa SONA 2024

KINUMPIRMA ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ‘absent’ ang tatlong dating mga bise-presidente ng bansa na sina Leni Robredo, Jejomar Binay, at Noli de Castro sa pangatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa darating na Hulyo 22, 2024.

“[Former] VP Robredo sent regrets [that she can’t attend], as well as former VP Binay,” ang sinabi ni Velasco.

Si Robredo ay nagsilbi bilang bise-presidente sa panahon ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte mula 2016 hanggang 2022.

Si Binay naman ay nagsilbi rin bilang bise-presidente sa panahon ng namayapa at dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III mula 2010 hanggang 2016.

Hindi rin makadadalo si De Castro, nagsilbi bilang bise-presidente sa panahon ng termino ni dating Pangulong Gloria Arroyo mula 2004 hanggang 2010.

“We were told by VP Noli’s staff that he won’t be able to attend, but he is yet to make it official,”ang winika ni Velasco..

Sa kabilang dako, hindi pa nagkukumpirma sina dating Pangulong Digong Duterte at Joseph Estrada kung makadadalo ang mga ito sa SONA ni Pangulong Marcos.

Hindi pa rin nagkukumpirma ng kanyang pagdalo sa SONA ni Pangulong Marcos si Vice President Sara Duterte.

Nauna nang sinabi ni Velasco na wala namang deadline para sa pagkumpirma ng pagdalo o hindi ng mga VIPs, kabilang na rito ang mga dating Pangulo at Pangalawang-Pangulo ng bansa. Kris Jose