NUEVA ECIJA, Philippines – Tatlong katao ang nasawi matapos umanong maligo at malunod sa irrigation canal sa Barangay Naglabrahan nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina magpinsan na sina Ruben Benavidez, 31, at Elmer Benavidez, 47, na parehong residente ng lugar, at si Jomar Gobrin, 29, mula sa Matnog, Sorsogon City.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-2 ng hapon, kaya agad naglunsad ng search-and-rescue operation ang mga barangay responder, Bureau of Fire Protection, at mga disaster risk reduction and management offices ng Guimba at Science City of Muñoz.
Narekober bandang alas-3 ng hapon sina Ruben Benavidez at Gobrin at agad isinugod sa Guimba District Hospital, ngunit idineklara silang dead on arrival.
Natagpuan naman ang bangkay ni Elmer Benavidez ng mga residente bandang alas-5 ng hapon.
Patuloy na paalala ng mga awtoridad ang pag-iingat sa pagligo o paglangoy sa mga irigasyon at ilog upang maiwasan ang ganitong trahedya. RNT/MND