Home NATIONWIDE 3 doktor na ‘sangkot’ sa ilegal na pagbebenta ng kidney padadalhan ng...

3 doktor na ‘sangkot’ sa ilegal na pagbebenta ng kidney padadalhan ng subpoena

144
0

MANILA, Philippines- Naniniwala ang Philippine Medical Association (PMA) na walang lisensyadong doktor ang kasama sa ilegal na pagbebenta ng kidney organ kung saan nakatakdang padalhan ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong doktor na umano’y sangkot sa krimen.

Sinabi ni PMA President Dr. Hector Santos na handa silang magsagawa ng sariling imbestigasyon.

Ayon kay Dr. Santos, maaaring ang doktor ang nag-diagnose at nagpayo kung ano ang kailangan ng pasyente para sa transplant surgery ngunit hindi siya naniniwala na ang doktor ay magbebenta o bumili ng kidney para sa pasyente.

Hindi rin kumbinsido ang PMA na mayroon silang doktor na bahagi ng illegal practice.

Paliwanag pa ni Santos, hindi ang doktor ang bumibili ng organ.

Kadalasan aniyang itinatanong ay kung dumaan ba ito sa Department of Health dahil meron silang organ program.

Binigyang-diin ni Santos na handa silang magsagawa ng sariling imbestigasyon ngunit sa ngayon ay wala itong basehan dahil kahit mga doktor ay hindi pa pinangalanan ng NBI.

Kung may ebidensya laban sa mga doktor, inihayag ni Santos na maaari silang parusahan ng ethics committee ng PMA, kung saan ang pinakamabigat na parusa ay ang rekomendasyon na suspendihin ang medical license ng mga doktor.

Giit ni Santos, hindi maaaring moto propio na mag-imbestiga ng walang pangalan o galing lamang sa third party hearsay, kailangan aniyang may pruweba dahil hindi nila ito mahuhuli.

Samantala, nasorpresa naman ang Philippine Society of Nephrology sa balita.

Kinukumpleto na ng NBI ang lahat ng kinakailangang impormasyon bago isilbi ang subpoena sa tatlong doktor.

Sinasabing ang staff nurse sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang umano’y lider ng organ trafficking syndicate na sinalakay sa Bulacan.

Nauna nang sinabi ng NKTI na walang kinalaman ang unit ng nasabing nurse sa kidney transplant at wala siyang direktang access sa mga pasyente.

Kinausap na ng mga opisyal ng NKTI ang nurse na itinanggi ang mga paratang.

Hindi pa nagre-report sa trabaho ang nasabing nurse. Sinabi ng NKTI na day off niya kahapon at nasa emergency leave ngayon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here