Home NATIONWIDE DMW sa Saudi OFWs: Pagpapalabas ng unpaid benefits pinaplantsa na

DMW sa Saudi OFWs: Pagpapalabas ng unpaid benefits pinaplantsa na

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Migrant Workers sa hindi pa nababayarang Saudi Arabia overseas Filipino workers (OFWs) na mahigpit silang nakikipagtulungan sa gobyerno ng Saudi para sa pagpapalabas ng kanilang mga benepisyo.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na kababalik lang niya sa bansa matapos bumisita sa Kingdom of Saudi Arabia para pag-usapan ang hindi pa nababayarang sahod ng natitirang 2,000 OFWs.

Sinabi ni Cacdac na hanggang sa kasalukuyan, 2,500 OFWs na ang nakatanggap ng kanilang claims mula sa Saudi government.

Inihayag ni Cacdac na target ng gobyerno ng Pilipinas na maibigay sa hindi pa nababayarang OFW claimants ang indemnity sa pagtatapos ng taon at ang DMW ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Saudi sa isyu.

Ang DMW ay humihingi lamang sa claimants ng karagdagang pasensya.

Samantala, sinabi ni Cacdac na kabilang sa mga isyu na tinalakay sa kanyang pagbisita sa Riyadh ay ang posibleng pag-renew ng mga umiiral na bilateral na kasunduan, pagpapahusay sa presensya ng DMW sa pamamagitan ng pagpapalawak ng Migrant Workers’ Offices, at pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa Filipino skilled workers, lalo na sa construction sector.

Mahigit 10,000 OFW, gayundin ang libo-libo pang dayuhang manggagawa sa Saudi Arabia ang nawalan ng trabaho sa pagitan ng 2015 at 2016 matapos ideklara ng kanilang mga kompanya ang bankruptcy. Jocelyn Tabangcura-Domenden