TINATAYANG nasa halos P.4 milyong halaga ng shabu at isang baril ang nasamsam sa tatlong drug suspects, kabilang ang isang High Value Individual (HVI) matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief P/Lt. Restie Mables ang naarestong mga suspek na sina alyas Louie, 43, (HVI), alyas Ron, 44, at alyas Buboy, 23, pawang residente ng lungsod.
Sa ulat ni Lt. Mables kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagtutulak ng droga ni ‘Louie’ at ‘Ron’ kaya ikinasa nila ang buy bust operation laban sa suspek.
Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P6,500 halaga ng droga at nang tanggapin ni ‘Ron’ ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba dakong alas-4:08 sa Kawal Raffol 2 Brgy., 28, kasama ang kanila umanong parokyano na si ‘Buboy’.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 57 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P387,600, buy-bust money na isang P500 at 6-pirasong P1,000 boodle money habang ang isang kalibre .45 pistol na may isang magazine at kargado ng tatlong bala ay nakuha kay ‘Louie’.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act ang kakaharapin ni ‘Louie’. Rene Manahan