COTABATO- PATAY ang isang hitman habang arestado ang kasama nito sa naganap na engkwentro kahapon ng umaga sa bayan ng Pikit.
Kinilala ang nasawi na si Arnel Payot, 24 anyos, habang nadakip ang kasama nitong si alyas Rasul, 28 anyos, may asawa, at kapwa residente ng Barangay Balong, Pikit, Cotabato.
Sa report ng Pikit Municipal Police Station, bandang 8:00 AM naganap ang engkwentro sa Public Terminal, Brgy. Poblacion, Pikit, Cotabato.
Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng static patrolling at schematic checkpoint ng bigla na lamang silang pinaputukan ng mga suspek sakay ng motorsiklo saka mabilis na sumibad.
Hinabol ng mga tropa ng Pikit-MPS ,3rd PCPMFC, 1203rd RMFB 12, RMFB14 BARMM at 90IB, ang mga suspek na nauwi sa palitan ng putok.
Tinamaan si Payot sa katawan dahilan para sumemplang ang mga ito na nagresulta ng kamatayan ng una habang nadakip naman si Rasul.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, nadiskubre na may standing Warrant of Arrest sa kasong pagpatay na may cc nr 23-345 na ipinalabas ng 12th Judicial Region Branch 24, Cotabato.
Nakuha din sa mga suspek ang dalawang caliber .45 pistol, mga magazine at mga bala .
Nakakulong ngayon sa lock-up facility ng Pikit-MPS si Rasul at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso./Mary Anne Sapico