KIDAPAWAN CITY-PATAY ang isang ina na barangay kagawad matapos pagsasaksakin sa leeg ng sariling anak nito, kahapon sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Kagawad Mila Lagutin Cinco, 69 anyos, habang nadakip naman ang suspek at anak nitong si Emiliano Lagutin Cinco, 49, soltero, at kapwa residente ng Purok 2, Brgy Gayola, Kidapawan City.
Batay sa report ng Kidapawan City Police Station, bandang 4:45 PM ng Oktubre 12, 2024, nang maganap ang krimen sa bahay ng mag-ina sa naturang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ina ng bigla na lamang kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang ina sa leeg at ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Mabilis naman rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen at nadakip ang suspek subalit mayroon itong sugat sa dibdib na agad naman dinala sa ospital para lapatan ng lunas.
Nakakulong ngayon sa lock-up facility ng Kidapawan City-PNP ang suspek nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang ugat ng pinag-awayan ng mag-ina./Mary Anne Sapico