MANILA, Philippines – ARESTADO ang tatlong drug suspects kabilang ang isang ginang nang mahuli sa akto ng mga pulis na nag-aabutan ng droga sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang mga suspek na sina alyas “Maribe”, 47, ng Brgy. Canu,ay West, alyas “Tirso”, 46, truck driver ng Lingunan at alyas “Ferdi”, move it driver ng Meycauayan, Bulacan.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento na inginuso ng isang concerned citizen sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang hinggil sa pagkakasangkot sa pagpapakalat ng illegal na droga ni ‘Maribel’.
Kaagad namang inatasan ni P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng SDEU ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng validation at monitoring sa lugar ni ‘Maribel’ sa Assumption Bypass Rd., Canumay West.
Dakong alas-3:15 ng madaling araw nang maaktuhan ng mga operatiba ng SDEU si ‘Maribel’ na may iniabot na tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu kay ‘Tirso’ at “Ferdi’ na dahlin ng pagkakaaresto sa kanila.
Nakumpiska kay ‘Maribel’ ang dalawang P500 bills at kay ‘Tirso’ ang isang plasctic sachet ng umano’y shabu , P50 bill, motorsiklo, driver’s license at cellphone habang nakuha naman kay ‘Ferdi’ ang isa ring plastic sachet ng hinihinalang shabu, P50 bill, cellphone, motorsiklo at driver’s license.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Merly Duero