MANILA, Philippines – Binawian ng Department of Transportation (DOTr) ng lisensya ng tatlong drayber ng GV Florida Transport na sangkot umano sa karerahan ng bus sa national highway sa Cagayan, base sa viral na video.
Kinumpirma ni DOTr Secretary Vince Dizon na ipinatupad na ng Land Transportation Office (LTO) ang revocation.
Hindi pa rin isinusuko ng GV Florida ang tatlo pang drayber na kasali sa insidente, kaya nagbanta ang DOTr ng mas mabigat na parusa sa buong kompanya.
“May problema kami kasi ayaw i-give up ng Florida yung tatlo pang driver,” ani Dizon. “So we are demanding them to give up those drivers. Kung hindi, mas bibigatan natin ang penalties sa buong kompanya nila kung hindi nila gagawin,” aniya pa.
Sampung bus ng GV Florida ang sinuspinde sa loob ng 30 araw.
Ang video ay kuha noong Hunyo 8, at bagama’t humingi ng paumanhin ang kumpanya, tinanggihan ito ni Dizon at iginiit na hindi dapat binabale-wala ang kaligtasan ng publiko. RNT