Home METRO 3 graduating student patay sa lunod

3 graduating student patay sa lunod

TATLONG graduating student ang namatay sa pagkalunod sa ilog sa magkahiwalay na nangyaring insidente sa Nueva Ecija at Mountain Province.

Hindi nakaligtas ang dalawang kabataan sa Nueva Ecija nang tangayin ng malakas na agos tubig sa Pampanga river sa Purok Uno, Barangay San Josef Norte, Cabanatuan City, bandang 3:00 ng hapon kakamakalawa.

Sa report sa tanggapan ni Lt. Col. Warly Bitog, hepe ng Cabanatuan City Police Station, kinilala ang mga biktima na sina Franze Joseph Sibayan, 18, graduating Grade 12 student at Celiah Cabudbud, 12, graduating student sa Grade 6, kapwa ng Brgy. San Josef Norte.

Ayon sa mga residente, naliligo sa ilog ang mga biktima nang biglang tumaas ang tubig dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan, dulot ng bagyong Aghon.

Inanod umano ng tubig ang biktimang si Cabudbud kung kaya sinagip siya ni Sibayan.

Pero sa kasawiang palad ay kasama ring inanod pailalim sa tubig si Sibayan at sabay sila nalunod ni Cabudbud.

Matapos ang halos 1 oras na paghahanap ay narekober ang katawan ng mga biktima.

Ayon sa mga residente, dating mababaw ang tubig sa ilog at madalas na pinapaliguan ng mga residente ngunit dahil sa ginagawang dike at pagkuha ng lupa na ginagawang panambak sa dike ay lumalim na ang ilog.

Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na may nalunod sa ilog dahil sa quarry operation sa ilog.

Sa Bontoc, Mountain Province, namatay ang isang dalagita matapos malunod sa Chico River sa Brgy. Tocucan.

Kinilala ang biktima na si Veneizah Rupinta Atiwag, 12, Grade 6 graduating student, residente ng nabanggit na barangay.

Ayon kay PMaj. Ryan Wakat, hepe ng Bontoc Municipal Police Station, naglalaro ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa ilog na malapit lamang sa kanilang paaralan.

Habang naglalaro, nadulas umano ang dalagita at nahulog sa ilog.

Kaagad na ipinaalam ng mga kasama ng biktima ang nangyari sa isang matanda na nasa lugar na siyang agad humingi ng tulong sa mga awtoridad.

Nagsagawa ng search and rescue operation ang mga miyembro ng Bontoc Municipal Fire Station, Bontoc Municipal Police Station at Bontoc Emergency Response Team sa ilog sa pag-asang makikita ang dalagita.

Nakita ang dalagita na bangkay na, 150 metro ang layo mula sa kung saan siya nahulog. (Marina Bernardino/Alvin Magbitang/ Rey Velasco