TARLAC CITY- Mahigit P3 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa nadakip na tatlong “high value individuals” sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa lungsod na ito.
Sa ipinalabas na report ng Tarlac provincial police office, unang inilatag ang buy-bust operation bandang alas-11:51 ng gabi noong Martes sa San Miguel.
Nakabili ang operatiba ng P40,000 halaga ng shabu sa dalawang babaeng suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.
Nakuha sa mga suspek ang apat na pakete na naglalaman ng 450 gramo ng shabu at aabot sa halagang P3,060,000.
Sunod naman inilatag ang operasyon sa Barangay San Francisco at nakuha sa isang suspek ang 55 gramo ng shabu na may street value na P374,000.
May kabuuan P3,343,000 ang halaga ng mga nakumpiskang shabu sa tatlong suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico