NADAKIP sa ikinasang buy-bust operation na pinangunahan ng mga tauhan ng Southern Police District District Drug Enforcement Unit (DDEU-SPD) ang tatlong bagong kinilalang high-value individual (HVI) na nakumpiskahan ng ₱1.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Barangay Lower Bicutan, Taguig City nitong Martes ng gabi, Mayo 19.
Kinilala ni Glenn Oliver Cinco ang mga nadakip na suspek na sina alyas Nash, 25; alyas Parouk, 32; at alyas Dustin, 18.
Batay sa isinumiteng ulat ng DDEU kay Cinco, matagumpay na naisagawa ang buy-bust operation bandang alas-7:10 ng gabi sa Barangay Lower Bicutan, Taguig City.
Sa isinagawang operasyon ay katuwang ng DDEU ang mga tauhan ng District Intelligence Division (DID-SPD) at ng Taguig Police Sub-Station 12, kung saan nagsilbing poseur-buyer ang isang operatiba na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Narekober sa posesyon ng mga suspek ang mahigit 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,360,000, isang itim na Vivo Android cellular phone, kulay puting sobre, at ang buy-bust money na ginamit sa transaksyon.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DDEU at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Taguig City Prosecutor’s Office.
“SPD remains aggressive in targeting individuals involved in illegal drug activities. We will continue to strengthen intelligence monitoring and enforcement operations to prevent the spread of illegal drugs in our communities and hold violators accountable under the law,” ani Cinco. (James I. Catapusan)