Home NATIONWIDE 3 impeachment articles vs VP Sara, binawi ng prosekusyon; Article II na...

3 impeachment articles vs VP Sara, binawi ng prosekusyon; Article II na lang itutuloy

1
0

MANILA, Philippines – Tatlo sa apat na impeachment article laban kay Vice President Sara Duterte ang tuluyan nang binawi ng House prosecution panel, at ang Article II na tumatalakay sa unexplained wealth na lamang ang kanilang isusulong sa impeachment trial sa Senado.

Inanunsyo ni House lead prosecutor Atty. Gerville Luistro ang desisyon sa harap ng mga senador na nagsisilbing mga hukom sa paglilitis. Kasabay nito, hindi na rin ihaharap ng prosekusyon ang 32 saksi na nauna nilang inilista.

Ayon kay Luistro, pinag-isipan nilang mabuti ang hakbang at tanging mga saksing “absolutely necessary” para sa bawat artikulo ang kanilang iniharap.

Sa Article IV tungkol sa grave threats, tatlo lamang sa orihinal na 10 saksi ang naiharap. Sa Article I tungkol sa confidential funds, 11 sa 27 saksi ang naiharap. Samantala, sa Article II tungkol sa unexplained wealth, 11 sa 15 saksi ang naiharap, hindi kabilang ang mga kinatawan ng mga bangko at kompanya ng insurance.

Ang tatlong artikulong hindi na itutuloy ay ang Article I tungkol sa confidential funds, Article III tungkol sa bribery, at Article IV tungkol sa grave threats.

“Ngayon, magalang na ipinababatid ng prosekusyon na hindi na nito itutuloy ang tatlo. Tatayo ito sa isa, at iyon ang Article II sa unexplained wealth,” sabi ni Luistro sa mga senator-judge.

Naniniwala ang prosekusyon na sapat ang mga ebidensyang naiharap sa Article II upang mahatulang guilty at matanggal sa puwesto si Duterte. Ayon kay Luistro, “substantial at compelling” ang ebidensya para sa mga paratang na culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.

Saklaw ng Article II ang mga paratang na unexplained wealth, mga paglabag kaugnay ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at pagkakaroon ng mga ipinagbabawal na interes sa negosyo.

“Sa pagtatasa ng prosekusyon, ang pagtutok sa article na ito ang pinakamainam na hakbang, alinsunod sa ebidensya at sa tungkulin namin sa bayan,” ani Luistro.

Binanggit din niya ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, kung saan binawi rin ng prosekusyon ang ilang artikulo. Ayon kay Luistro, kinikilala ng naunang kasong ito ang awtoridad ng prosekusyon na magpasya kung aling mga artikulo ang itutuloy.

Ipinaliwanag ni Luistro na ang pagtutok sa iisang artikulo ay makababawas sa dami ng dokumentong ebidensya, mga pagtutol, at mga argumentong kailangang pagpasiyahan ng impeachment court. Aniya, makikinabang dito ang Senado, si Duterte bilang respondent, at ang publiko. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here