MANILA, Philippines – KULUNGAN ang kinasadlakan ng tatlong indibidwal nang maaresto ng pulisya sa paglalaro ng ilegal na sugal at makuhanan pa ng baril at shabu ang dalawa sa kanila sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas “James”, 39, alyas “Jess”, 26, at alyas “Lando”, 31.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng police visibility at patrol operation ang mga tauhan ng Police Sub-Station 14, sa Orchids St., Brgy., 188 nang matiyempuhan nila ang isang grupo ng kalalakihan na naglalaro umano ng ilegal na sugal na ‘cara y cruz ‘ dakong ala-1 ng madaling araw .
Gayunman, nang mapansin ng grupo ang presensya ng pulisya ay nagpulasan ang mga ito sa magkakahiwalay na direksyon subalit, nagawang madakma ng mga pulis ang tatlong sa kanila.
Nakumpiska sa mga naaresto ang P600 bet money at pangara habang nakuha kay ‘James’ ang isang plastic sachet ng umano’y shabu at isang hindi lisensyadong kalibre .38 na kargado ng dalawang bala ang nasamsam naman kay ‘Jess’.
Na-inquest na ang mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office kaugnay sa kasong paglabag sa PD 1602 at paglabag sa R.A 9165 at R.A 10591 para kina ‘James’ at ‘Jess’ na nakuhanan ng drora at baril. Merly Duero