BUKIDNON- Hindi nakalusot ang mahigit P133,000 halaga ng krudo na ipinuslit ng tatlong kalalakihan matapos maharang ng mga awtoridad sa isinagawang checkpoint noong Huwebes sa lalawigang ito.
Nasa kustodiya ngayon ng Kibawe Municipal Police Station ang mga suspek na kinilala sa mga alyas Norhan, 29-anyos, residente ng Galakit, Pagalungan, Maguindanao del Sur; alyas Nurmo Hayden, 25, taga-Linantangan, Maguindanao del Sur; at alyas Musa, 34, taga-North Cotabato.
Batay sa report ng pulisya, sakay ng pick-up truck ang mga suspek karga ang mahigit 2,000 litro ng ng krudo at naipit ang mga ito sa isinagawang checkpoint ng Kibawe MPS sa Purok 1, Barangay Spring, Kibawe, Bukidnon.
Hiningan ng mga awtoridad ang mga suspek ng kaukulang dokumento hinggil sa mga karga nilang krudo subalit bigo silang maipakita.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 o illegal na pag-aangkat ng produktong petrolyo. Mary Anne Sapico