Home METRO Kelot na nagkakabit ng internet dedo sa kuryente

Kelot na nagkakabit ng internet dedo sa kuryente

COTABATO- Patay ang isang lalaking internet installer matapos masagi ang kuryente habang nasa gitna ng pagkakabit ng internet noong Huwebes sa bayan ng Arakan.

Kinilala ang biktimang si Junior Bangkas, 30-anyos, kawani ng isang internet provider at residente sa bayan ng President Roxas.

Batay sa report ng Arakan Municipal Police Station, naganap ang insidente sa Barangay Poblacion, ng nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, umakyat ang biktima sa poste ng kuryente para magkabit ng internet sa kabila ng wala itong suot ng kahit na anong protective gear.

Makalipas ang ilang minuto, nagulat na lamang ang mga kasamahan ng biktima ng bigla itong nangisay makaraang masagi ang live-wire ng kuryente na may malakas na boltahe.

Nagawa namang isugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga. Mary Anne Sapico